Tuesday, December 29, 2009
SA AKING ANAK
Sa aking anak, na di ko pa nasisilay
Na sa kinabukasan pa darating ang kanyang buhay
Maging babae man siya, o lalaki mang tunay
Lahat ng paghihirap ko'y sa kanya ko iniaalay.
Dahil sa kanya ako'y magsusumikap
Na pagbutihing maigi ang aking hinaharap
At matagpuan ko sana ang aking hinahanap
Na maayos na landas na para sa kanya'y aking pinapangarap.
Ang pag-aaral ng mabuti ay aking gagawin
At ang pagtatapos ng collegio'y aking tatanawin
Ang hiwaga ng buhay pilit kong uunawain
At kapagka tapos na, sa kanya'y aking gagawing bilin.
Aking mga pagkakamali sa kanya ko ipakikita
At aking hihilingin na sana'y huwag niya itong magaya.
Ang tanging bagay lamang na aking maipapamana
Ay ang isang ugali namin na tigib ng pag-asa.
Ang kaugalian na ito na aking sinasabi
Ay naging gabay sa pagdaan ng maraming salinlahi
Hindi mabubuwag at hindi mahahati
Na pagmamahal sa Diyos, kung saan tayo nahirati.
Gawing gabay mo sana ang winika niyang utos
At ang buong buhay mo'y liligaya ng lubos
Mahal ka ng Panginoon, kanyang buhay ay ibinuhos
Upang sa kasalanan at kamatayan tayong lahat ay matubos
Umiwas ka lagi sa barkadang masama
At sa mga taong palalo at walang mabuting magawa
Lumayo ka sa kanila at baka ikaw ay mahawa
Mula sa kanila wala kang mapapala.
Tanawing palagi ang iyong pupuntahang bukas
At tiyakin mong maigi na tuwid ang iyong landas
Sulyapang panandalian pinanggalingan mong bukas
Sapagkat dito magmumula ang kinakailangan mong lakas.
Hanggang sa muli, bukas tayo magkikita
Kapag ikaw ay lumabas at naisilang na
Ngunit sa ngayo'y ako'y may gagampanan pa
At iyan ay hanapin ang nararapat mong ina!
Ricky Reodica, 5ME
Taken from The Bosconian Forum
Labels:
anak,
babae,
buhay,
darating,
iniaalay,
kinabukasan,
lahat,
lalaki,
magsususumikap,
maigi,
nasisilay,
pagbutihing,
paghihirap,
tunay
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment