Tuesday, December 29, 2009

GENESIS, IKA-8 ARAW


AT NILIKHA NG DIYOS

ANG SANLIBUTAN AT SANGKATAUHAN;
SA IKAPITONG ARAW SIYA'Y NAGPAHINGA
AT ITO'Y KANYANG BINASBASAN...

Ikawalong araw. Sinimulan ng palalong Tao
ang walang pakundangan na pagwasak sa mga ito --
Binuldoser ang mga gulod, pati na mga bundok;
tinambakan ang mga ilog, lawa, dagat at look;
winakwak ng dinamita and dibdib at tiyan ng lupa;
sinilaban mga kagubatan saka pinanot pa;
at, pinagpuputol ang mga halama't punungkahoy
(kaya't mga ibo't hayop sa malayo napataboy).

Siya ay nag-anak pa ng maraming berdugong Cain
(mga ulila ni Abel lalong nanangis, nanimdim);
nagtayong muli ng mga bagong Sodom, Gomorrah
(ng mga piramida na kanyang dumi at basura);
nagsaboy ng baho at lason ng kanyang kaunlaran
sa hangin at tubig ng mga lunsod at kanayunan;
at naghasik ng kabuti ng pamuksang bomba nuklar
sa kalawakan, sa mga disyerto't islang coral!

Anupa't sa malas ay wala siyang nasang tumigil
sa pagsira sa mundo (sa kanyang sarili'y pagkitil),
sa pagtatayo ng bantayog ng kanyang kapalaluan
at ng dambana para sa kanyang mga d'yus-diyosan...

R. L. Flores

Taken from The Bosconian Forum

No comments:

Post a Comment