Anu-ano kaya ang mga bagay na laman ng isip ng isang karaniwang manggagawa sa buong maghapon? Naitanong namin ito sapagkat sa hinaba-haba ng panahong nakikihalubilo kami sa mga manggagawa sa ating kapuluan, ay may napupuna kami: maliit ang daigdig ng karaniwang manggagawang Pilipino.
May iilang mga bagay lamang ang nangunguna at nangingibabaw sa kanyang isipan sa araw-araw na ginawa ng Diyos, at ang mga bagay na ito ay may kinalaman sa kanyang pamilya, mga pag-aari at mga pinagnanasaan niyang maangkin. Tanungin mo siya ng anuman sa labas ng mga bagay na ito at kadalasan, ang kanyang maisasagot sa iyo ay isang sulyap na nagtataka, o isang titig na walang nilalaman. Tanungin mo siya tungkol sa quality o uri sa paggawa o paglilingkod, at kukunot ang noo niya pagkat hindi niya mauunawaan ang iyong tinutukoy.
Tanungin mo kung gaano ang nalalaman niya tungkol sa Pilipinas; malamang na halos ay wala siyang masasabing may laman. Lalo nang wala siyang nalalaman tungkol sa iba't ibang bansa sa mundo--para sa kanya, ang abroad ay Amerika at Saudi lamang; at huwag ka nang magtaka kung hindi rin niya kilala ang mga bansang kabilang sa ASEAN.
Wala rin siyang gasinong masasabi tungkol sa pagmamalasakit sa kapaligiran (environment) at sa recycling o ang paggamit muli ng mga bagay na patapon na sapagkat "dayuhan" sa kanyang isip ang mga ideyang ito. Hindi man lamang niya nalalaman kung anu-ano ang kanyang mga karapatan bilang isang manggagawa sa ating lipunan; papaano pa kaya siya magkakaroon ng interes sa iba pang mga bagay sa labas ng kanyang maliit na mundo?
Ano kaya ang dahilan kung bakit ganitong kaliit ang daigdig ng manggagawang Pilipino? Kakulangan ng wastong pagtuturo sa paaralan, sa pagawaan, sa lipunan? Kakulangan ng malasakit mula sa kanyang kapwa? Likas kaya siyang makitid at mababaw?
Tulungan natin ang hamak na manggagawang mapalawak ang kanyang kaalaman at pananaw, nang sa gayon ay matutunan niyang yapusin ang sangkatauhan at daigdig sa labas ng kanyang pamilya't mga pangangailangan.
Mabuhay ang manggagawang Pilipino!
You can read the English version of this article here.
Taken from Blue Collar magazine
No comments:
Post a Comment