Mayroon akong iba't ibang alaala noong bata pa ako. Ang mga sticker na "Jesus Loves You" na
nakapaskil sa dingding na nakatapat sa aking kama, ang iba't ibang comics at childrens' books na kinalakihan ko, ang mga kaibigan na kahit medyo mahirap nang maalala ay mahal ko pa rin, ang mga taong nakapag-udyok ng pagbabago sa aking buhay, lalo na ang mga taong may mga mahahalagang itinuro sa akin.
Hindi maiiwasan sa buhay ang masaktan dahil bahagi rin iyan ng paglaki. Maaaring hindi masayang alalahanin, pero katotohanan siyang nararanasan nating lahat. Pero higit sa mga ito ang pag-ibig. Alalahanin mo ang pinakamasakit na leksyon na iyong natutunan, isipin mo ang mga pangyayari kung paano mo natutunan ito. In retrospect, makirot sa puso, pero ngayong nakaraos ka na at tapos na ang lahat, maginhawa na ang iyong pakiramdam. Hindi mo maide-deny na ikaw rin ang nakinabang. Ikaw ang natuto at ikaw rin ang magtatagumpay sa bawat anumang hirap na na naranasan mo.
Sa mata ng isang bata na walang kamuwang-muwang, maganda ang mundo, masaya, makulay at walang kakulangan. Ang lahat ng tao ay may pangarap, hindi ang isang bata lamang. Maraming taong may gustong gawin sa buhay pero hindi magawa-gawa dahil sa negativity ng mga tao na pumipigil sa kanila at pati na rin ang mga kalagayan na humahadlang sa kanila. Minsan, pati na rin ang pagtingin nila sa kanilang sarili ang pumipigil sa kanilang pag-unlad. Pero tao lang tayong lahat, nagtatrabaho, nakararamdam, nagtitiis at nagmamahal.
Kadalasan, ugali ng mga tao na ilagay ang mga artista sa pedestal, at sa totoo, maraming
mahuhusay na aktor at aktres sa Pilipinas. Pero minsan nakakaligtaan rin nilang tingnan ang mga paghihirap at mga pagsisikap na kailangan ng mga artista upang marating ang kanilang kinaroroonan. Matinding pagsisikap at sakripisyo ang kailangan para maging 'role model' at upang manatiling ganap na walang kapintasan. Higit pa sa mga intriga at tsismis ng buhay. Nakatutuwang malaman ang mga pangyayari sa entertainment industry, pero sayang na marami ang nadadala sa pagsubaybay sa kanilang mga idolo na hindi na nila masyadong napapahalagahan ang kanilang sarili. Iyon bang sa lahat na lang ng bagay ikukumpara nila ang sarili nila sa ibang tao, kasama na rin doon ang mga idolo nila. "Kailangan mas payat ako" o kaya naman "dapat mahabang kaaya-aya at makintab ang buhok ko" at piliing maghirap at maabala para lang matulad sa kanyang idol. Ang hindi lang nila alam, araw-araw na nagda-diet at labis din ang pag-aalaga ng mga artista sa kanilang buhok, balat at ngipin.
Ok na may talent, na may sariling galing sa paglikha ng kanilang sining. Pero maaari rin tayong matuto sa pamamagitan ng pag-aaral at pagsumikapan ng ating mga gusto at hilig. Simula pa lang sa pagkabata, may angking galing na sila sa mga bagay na gusto nilang gawin. Pero hindi lamang ito ang dahilan sa pag-unlad ng tao. Nilikha tayo ng Diyos para magsilbi at kagalakan Niya. Hindi puwedeng hanggang doon lang ang gagawin natin.
Kailangang linangin ang mga talento at kahusayang ipinagkaloob sa atin. Isa ito sa maraming konsepto na natutunan ko kay Joachim Antonio, isa kong kaibigang propesor sa isang unibersidad dito sa Manila. Nanalo na siya ng tatlong Palanca Award para sa kanyang mga dula. Sa totoo lang, siya ang nagturo sa akin kung paano magsulat. Mayroon siyang writing seminar ngayon sa Fully Booked, ang "Inkblot."
Kung estudyante ka, mag-aaral ka. Kung athlete ka, pupunta ka sa gym araw-araw para ma-develop ang muscles. At kung nakapagbuhat ka na ng dumbbell, alam mong hindi lalaki ang iyong mga muscles sa isang iglap. Buwan ang kailangan para magpalaki ng katawan at ilang on and off seasons ang pinagdaraanan ng bodybuilders para marating nila ang kanilang kasalukuyang kalagayan. Kailangan ng sapat na oras at pagsisikap ang anumang tagumpay.
Ilang oras ang ginugugol ng mga pintor para matuto ng sketching at shading. Simula pa lang ito: ilang oras pang mag-eeksperimento, maghalo-halo ng kulay. Higit sa lahat, kailangan ring gugulan ng oras ang mismong pagpipinta.
Kung gusto mong maging mahusay sa pag-arte, kailangang matuto kang magmasid ng mga tao at tauhan. Sa "666," ang pelikula kung saan ako gaganap, pinayuhan ako ni Direk Celso Ad Castillo na pag-aralan ang "The Exorcism of Emily Rose." Pinanood ko ang pelikulang ito ng mga anim na sunud-sunod na beses sa loob ng tatlong araw. Noong sumunod na linggo, pinanood ko ang lahat ng mga exorcist films na nahanap ko.
Malaking sakripisyo ito para sa akin. Hindi ako mahilig sa nakatatakot. Romantic comedies, fantasy films, at indies ang hilig ko. Kaya, malaking tiyaga ang kinailangan ko sa panonood ng mga tungkol sa possessions, demonyo at multo, pero sabi nga nila, "the show must go on" at totoo ito.
Sa awarding ceremony ng FAMAS ngayong taon, napanood ko si Imelda Papin at napakagaling niya! Kahit noong sa pangalawang bahagi ng kanyang performance ay nasa back stage na ako na naghahanda para sa pag-present ng susunod na award, dinig ko pa rin ang kanyang pagkanta at nadala ako sa kanyang tindig sa entablado. Kahit alam kong malabo, masaya sana kung makakanta rin akong tulad niya. Alam kong mahirap maabot ang kanyang kalibre. Napakaraming oras ng ensayo ang kailangan para marating ang kanyang kalagayan.
Ang punto ko lang dito, hindi ipinanganak ang mga tao na ganap ang kanilang husay. Lahat tayo ay nagsisikap upang makamit ang ating mga pangarap. Araw-araw, gumagawa tayo ng mga desisyon at lalo nating nakikilala ang ating sarili. Kung anuman ang pinaggugugulan natin ng panahon, marahil ibig natin, dahil hindi na natin mababawi ang panahong lumipas na.
Ang nakaraan, para man sa mabuti o masama, ang bumubuo sa atin. Puno ang buhay natin ng mga taong may ibinahaging leksiyon, mga taong minahal, mga taong nakasakit, mga taong wala na at mga taong nandito pa rin ngayon. Ang lahat na daranasing sakit, pagtitiis at paghihirap ay nagpapalakas at nagtuturo sa atin. Mayroon tayong iba't ibang taong nakikilala at makikilala na mag-iiwan ng marka.
Noong maliit pa ako, ginampanan ko ang papel ni Terya, anak nina Babalu at Kris Aquino sa sitcom na "Home Along da Riles." Kasama ko rin doon sina Dolphy, Nova Villa, Carding Castro, at iba pa. Hanggang ngayon, malinaw pa ang mga alaala ko kay Tito Babalu at nami-miss ko siya. Naalala ko siya minsan bilang kalaro, minsan guro sa pag-ensayo ng mga linya para sa mga eksena naming dalawa. Parati siyang kasama na may maraming kuwento at mapagpasensya sa makukulit na batang katulad ko. Malaki ang lungkot ko noong pumanaw siya. Masaya kasi talaga siyang kasama. Naaalala ko pa rin ang ngiti niya, ang boses niya, at ang candy na lagi niyang dala sa bulsa.
Maliban kay Tito Babalu, mayroon din akong ibang mga kaibigan na nasa mas mabuting lugar na ngayon. Iba-iba ang natutunan ko sa lahat ng aking nakilala. Paniniwala ko talaga na mahalaga ang patuloy na pagkatuto ng isang tao. Lahat ng makikilala natin, makakausap, o makakasama man lang ay may epekto sa buhay natin. Minsan, baka tayo pala ang may malaking epekto sa buhay nila at hindi lang natin alam.
Kaya nagsusulat ako ngayon, dahil alam kong maraming tao ang may pangarap, pero nahihiya o nagdududa sa kanilang sarili. Mga nanghihinang-loob na subukin ang kanilang mga kaya, o minsan, hindi makasulong dahil sa isang trauma na hindi mabitiwan.
Para sa inyo ko isinusulat ang mga ito. Hindi n'yo kailangang mahiya o ma-insecure, dahil lahat ng bagay ay kayang gawin. Sa mga pinagdaanan mo, hindi mo ba minsan napapansin na sa simula, akala mo hindi mo kaya pero sa huli kaya mo naman pala? At sa katagalan, hindi lang kaya, kundi napakadali rin pala? Sa makipot na daan ng tadhana, ang nakaraan ay pinagtatawanan na lang.
Nagsisikap ang mga taong magagaling, kahit likas na sa kanila ang talento. Pinaghihirapan at pinag-aaralan pa rin nila ang kanilang sining. Walang sikat na banda o mang-aawit ang hindi nag-eensayo; walang artistang hindi pinag-aaralan ang script at role na gagampanan nila. Natatago sa kinang ng showbiz ang ilang oras, gabi, at linggo at minsan pati na rin taon ng pag-aaral, pag-eensayo at pagpapawis. At iyon ang showmanship. Kung may pangarap ka, huwag kang magpahadlang -- kahit sa sarili mo. Kung nakayanan ko, kakayanin n'yo rin...